Hahatiin ng Department of Transportation (DOTr) sa dalawang phase o bahagi ang pagbabalik operasyon ng mga pampublikong transportasyon sa mga lugar na isinailalim na sa general community quarantine (GCQ).
Ayon sa DOTr, sisimulan na sa lunes, Hunyo 1 hanggang 21 ang phase 1 para sa pagbabalik operasyon ng piling mga uri ng transportasyon para sa limitadong bilang ng pasahero.
Kabilang rito ang mga train systems tulad ng MRT, LRT AT PNR, bus augmentation, taxi, transport network vehicle services (TNVS), shuttle services, point to point (P2P) buses at bisikleta .
Papayagan na rin ang pagbabalik operasyon ng mga tricycle alinsunod sa patakaran ng mga local government units (LGU)’s habang hindi naman pahihintulutan ang pagpasok sa Metro Manila ng mga provincial buses.
Samantala, sa ilalim ng phase 2 na sisimulan mula Hunyo 22 hanggang 30, maaari na ring makabiyahe ang mga pampublikong bus, modern jeep at UV express para sa limitadong kapasidad.
Kasabay nito, muling ipinaalala ng DOTr ang mga guidelines para sa tinatawag na new normal na kinakailangang sundin ng mga pampublikong transportasyon.
Ito anila ay ang palaging pagsusuot facemasks, cashless na pagbabayad ng pasahe, paggamit ng thermal scanners, paglalagay ng mga alcohol at sanitizers, pagsasagawa ng disinfection at pagtatayo ng mga disinfection faciliries sa mga terminal.