Humirit ng P7.5-bilyong pondo ang Oversease Workers Welfare Administration (OWWA) para sa kanilang pondo para sa susunod na taon.
Sa isinagawang virtual hearing ng House Committee on Overseas Workers Affairs, inihayag ni OWWA Administrator Hans Cacdac na gagamitin ang pondo bilang pang-ayuda sa mga OFWs.
Mahigit P6-bilyon aniya rito ay ilalaan para sa hotel accomodation, food at tranportation cost para sa mga OFW lalo’t inaasahang nasa 300,000 hanggang 500,000 ang uuwi sa bansa hanggang sa susunod na taon.
Giit ni Cacdac, kailangang paghandaan ang worst case scenario kung saan inaasahang tatagal ang krisis mula Hunyo hanggang Disyembre ngayong taon at posibleng umabot pa sa buong taon ng 2021.
Ito’y hangga’t wala pang nakukuhang bakuna ang Pilipinas para sa lahat ng mga Pilipino upang ganap na maiwasan o malabanan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) na isa nang pandemya sa kasalukuyang panahon.