Nagpalabas ng bagong patakaran si Cavite Governor Jonvic Remulla para sa mga malls sa buong lalawigan.
Batay sa Facebook post ni Remulla, sinabi ng gobernador na kanya nang naipagpaalam sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang patuloy na paggamit ng sistema sa quarantine pass sa buong Cavite.
Dahil dito tanging ang mga may hawak lamang ng quarantine pass at mga frontliners ang pahihintulutang makapasok sa mga malls.
Magbubukas aniya ang mga malls mula 9 a.m. hanggang 5 p.m. habang mas maaga naman ng isang oras ang pagbubukas ng mga grocery, bangko, at botika na simula 8 a.m.
Dagdag ni Remulla, maaari lamang din manatili sa mall ang mga mamimili sa loob ng isa’t kalahating oras.
Hindi rin pahihintulutan ang pagtawid sa kabilang bayan ng mga magpupunta ng mall.