Nagpalabas na ng guidelines ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga magbubukas nang barbershops at salon sa mga lugar na nasa ilalim na general community quarantine (GCQ) at modified GCQ (MGCQ).
Ayon sa DTI, kinakailangang ipaskil sa mga madaling makita sa entrada at loob ng mga barbershop at salon ang mga paalala tulad ng palagiang pagsusuot ng mga facemasks, pagpapatupad ng social distancing, at schedule ng pagsasagawa ng regular sanitation.
Gayundin ang polisiya sa alternatibong paraan ng pagbabayad, appointment system, at pagdadala ng companion o kasama sa loob ng establisyimento.
Kinakailangan ding sundin ng mga barbershop at salon ang paglalagay ng floor mat o foot bath na may disinfectant, thermal scanner na susuri sa temperatura ng mga pumapasok sa establisyimento, alcohol, health checklist sa mga customers.
Dagdag ng DTI, dapat ding magkalayo ng isang metro ang mga upuan, may mga nakatalagang marka kung saan dapat tumayo o umupo ang mga customers, maayos na ventilation at pagsterilize o masusing paglilinis sa mga workstation matapos ang bawat ginawan serbisyo.
Habang dapat ding tiyakin ng mga barbershops at salon na walang sintomas ng COVID-19 o nakahalubilong may sakit ang kanilang mga papasok na tauhan.
Madatory rin ang pagsusuot ng mga ito ng mga personal protective equipment tulad ng face mask, face shield, eye glasses, gloves, at hair clip.