Hinimok ng Malakanyang ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad kasabay ng pag-iral na ng general community quarantine (GCQ) at modified GCQ sa iba’t ibang mga lugar sa bansa simula bukas.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi kakayanin ng pamahalaan na mag-isang lumaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Aniya, kinakailangan ang pakikipagtulungan at sama-samang pagsisikap ng lahat para malabanan ito.
Dapat aniyang maging maingat ang bawat isa sa pamamagitan ng pagsusuot ng face masks o face shield, pagsunod sa physical distancing, pananatili sa mga tahanan at pag-iwas sa mga matataong lugar.
Iginiit ni Roque, hindi dapat masayang ang nasimulan at kapuri-puring pagsasakripisyo ng mga tauhan ng pamahalaan sa nakalipas na pitumpung araw.
Tiniyak naman ni Roque na nakapaglatag na ng mga aksyon at hakbang ang pamahalaan para masiguro ang kaligtasan ng mga Filipino partikular sa mga papasok na sa trabaho.