Asahan na umano ang dagdag-gastos sa panganganak bilang pagiingat sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang inihayag ng Philippine Obstetrical and Gynecological Society (POGS) sa gitna ng kinakarap na krisis bunsod ng COVID-19.
Ayon kay POGS President Christia Padolina, nariyan kasi ang mga gastusin para sa mga gamit o equipment na kakailanganin para maingatan ang pasyente maging mga medical personnel sa COVID-19.
Gayunman, sinabi ni Padolina na kanilang inihihirit sa Department of Health (DOH) na libre nang i-test sa pamamagitan ng PhilHealth ang lahat ng buntis na 37 weeks pataas sa halip na bayaran pa ito ng mga buntis.
Magiging kabawasan din kasi aniya sa gastusin ang PPE kung ang pasyente naman ay negatibo sa COVID-19.
Sa panig naman ng DOH, wala naman anilang problema kung itest ng libre ang mga buntis na bahagi ng vulnerable population kapag may exposure sa isang probable o confirmed case.
Samantala, tumanggi munang magbigay ng pahayag ang PhilHealth hangga’t hindi pa umano nila natatanggap ang revised guidelines on expanded testing.