Tinanggal na ang ipinatupad na swimming ban o pagbabawal sa paliligo sa dagat sa isla ng Boracay sa Aklan.
Kasunod ito ng pagsasailalim na ng modified general community quarantine (MGCQ) sa buong Western Visayas Region.
Gayunman, sinabi ni Malay Aklan Acting Mayor Frolibar Bautista, nananatili pa ring sarado sa mga turista ang isla.
Dagdag ni Bautista, magpapatupad din ng limitasyon sa paliligo sa dagat para matiyak na masusunod ang physical distancing at iba pang health protocols.
Kabilang aniya rito ang pagtatakda lamang ng swimming area at bilang ng maaaring maligo o lumangoy sa dagat nang magkakasabay.
Batay sa guidelines na ipinalabas ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), pinapayagan na ang ilang mga indoor at outdoor non-contact sports tulad ng swimming sa mga lugar na nasa MGCQ na.