Hindi pa maipatutupad ng Land Transportation Office (LTO) ang batas na nagtatakda sa mga motorsiklo na magkaroon ng dalawang plaka –isa sa harap at isa sa likod.
Sinabi ng LTO na wala pa silang maibibigay na plaka para maipatupad ang itinatakda sa Motorcycle Crime Prevention Act.
Nilagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte noong nakalipas na taon ang Motorcycle Crime Prevention Act o Republic Act 11235 na layong matugunan ang dumadaming krimen na kinasasangkutan ng mga kriminal na gumagamit ng motorsiklo.
Nakasaad sa batas na dapat ay mas malaki na ang mga plaka na color coded at mababasa kahit 15-metro ang layo.
Ayon kay LTO operations division officer-in-charge Mercy Jane Paras-Leynes, nagsisimula na sila ng produksyon ng plaka kung saan ang target delivery nila ay sa susunod na buwan kaya’t maaaring sa Setyembre ay madala na sa LTO ang mga plaka para sa mga 2018 na sasakyan.