Tinanggal na ang pinaiiral na liquor ban sa Muntinlupa City.
Dahil dito, ayon kay Mayor Jaime Fresnedi, maaari nang magbenta at uminom ng nakakalasing na inumin sa lungsod epektibo nitong Hunyo 1, 2020.
Gayunman, batay sa Ordinance 2020-100 na nilagdaan ni Fresnedi, mayroon pa ring restrictions at guidelines na dapat sundin habang umiiral ang General Community Quarantine (GCQ) at Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Ayon sa ordinansa, bawal pa rin ang tinatawag na “social drinking” o pag-iinuman ng mga indibidwal na hindi nakatira sa iisang bahay.
Bawal ding bumili ng alak at iba pang uri ng mga nakalalasing na inumin ang mga nakatanggap ng tulong pinansiyal o ayuda mula sa local at national government upang matiyak na hindi lamang sa alak o bisyo napupunta ang nakuha nilang tulong.
Maliban dito, dapat ding ilista ng mga nagtitinda ang pangalan ng mga bumibili ng alak, address, contact details, gayundin ang eksaktong oras at petsa ng pagbili.
Kasabay nito, nanawagan ang local government Unit (LGU) sa mga residente na isumbong sa barangay o sa mga awtoridad ang mga nakikitang paglabag sa naturang ordinansa.