Hindi pa rin pumapayag ang pamunuan ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa pag-aangkas sa motorsiklo kahit pa asawa o kamag-anak ito ng rider.
Ito ang naging sagot ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, nang tanungin ito ni Senador Bong Go. Kung maaari nang mag-angkas sa motorsiklo lalo’t kung nakatira naman ito sa iisang bahay.
Paliwanag kasi ni Go, marami na ang umaapela sa senado na payagan na ang pag-aangkas sa pagitan ng mag-asawa o kaanak, ngayong mahirap ang pampublikong transportasyon.
Kasunod nito, tugon ni Año, hindi pa pwedeng payagan ang panawagang ito, dahil wala naman aniyang pinipiling dapuan ang coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Samantala, umapela naman si DILG Secretary Eduardo Año sa publiko, na kakaunting pagtitiis pa lalo’t alam naman ng lahat na nasa gitna tayo ng isang pandemya.