Inihahanda na ng Philippine National Police (PNP) ang gagawing re-development sa loob ng Kampo Crame upang ma-decongest o mapaluwag ito.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration P/Lt. Gen. Camilo Cascolan, inilatag na ng engineering services ng PNP ang kanilang development plan at ito ay pa-a-aprubahan kay PNP chief P/Gen. Archie Gamboa.
Sa ilalim ng PNP development plan, itatayo ang isang high rise building na may 18 palapag habang babaguhin din ang 53-anyos na National Headquarters Building.
Ililipat din ayon kay Cascolan ang ilang National Operation Support unit offices tulad ng maritime group na ilalagay sa Calatagan, Batangas.
Sa New Clark City sa Banban, Tarlac naman balak ilipat ang Police Security and Protection Group; sa Global City Angeles sa Pampanga naman ang Highway Patrol Group.
Habang sa Camp Bagong Diwa sa Taguig balak ilipat ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) – NCR gayundin ang PNP Logistic Support Service.
Sa Baras, Rizal naman planong ilipat ang tanggapan ng Explosive Ordinance Division, K9 units, at maging ang Special Action Force.
Dagdag ni Cascolan, maging ang Directorate for Integrated Police Operations ay planong ipakalat na lamang sa mga rehiyon o lalawigan sa halip na sa Kampo Crame.