Natatakot pa ring lumabas ng tahanan ang nakararaming residente ng Metro Manila sa kabila ng pag-iral na ng general community quarantine (GCQ).
Batay ito sa naging obserbasyon ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez sa kaniyang pag-iikot, isang linggo naman matapos ang pagluwag ng ilang ipinatutupad na restriksyon.
Ayon kay Galvez, nananatili pa ring normal ang daloy ng trapiko sa ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila tulad ng Edsa at Commonwealth.
Minimal o bahagya lamang aniya ang nakitang pagbabagal ng trapiko sa mga nabanggit na lugar magmula ng maibaba sa GCQ ang NCR noong Lunes, June 1.
Sa ilalim ng GCQ, nakabalik na ang partial operation ng ilang pampublikong transportasyon, mas marami nang negosyo ang binuksan at pinayagan na ang pagtawid sa mga lungsod nang wala nang quarantine pass.
Samantala, sinabi ni Galvez na patuloy pa rin silang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para matukoy ang barangay o distrito na maitutiring na critical areas at isasailalim sa lockdown.