Posibleng lumabag sa konstitusyon ang ilang probisyon ng anti-terrorism bill.
Tinukoy ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) section 29 ng anti-terrorism bill kung saan maaaring bigyan ng anti-terrorism council ng otorisasyon ang pagkulong o pag-aresto sa mga pinaghihinalaang terorista.
Sa statement ng IBP na nilagdaan ni IBP President Atty. Domingo Egon Cayosa, ang pagpapakulong o pag-aresto sa suspect ay eksklusibong kapangyarihan ng hudikatura.
Maaari rin umanong lumabag sa konstitusyon ang probisyon kung saan maaaring ikulong ng 14 hanggang 24 na araw ang suspect kahit hindi pa ito kinakasuhan dahil malinaw na itinatakda sa konstitusyon ang 3 day limit.
Gayunman, hindi sinasabi ng IBP na dapat ibasura ang anti-terror bill sa halip, nanawagan sila sa Pangulong Rodrigo Duterte na i-review ang bill at i-veto ang mga probisyong labag sa konstitusyon.
Lumiham na rin umano ang IBP sa Senado at Kamara upang humingi ng paglilinaw kung wala bang nakikitang constitutional infirmities ang mga mambabatas sa anti-terror bill at kung mayroong compelling considerations para isama ang mga probisyong ito.
Binigyang diin ng IBP na mahalaga ang mga hinihingi nilang impormasyon para lubusang maunawaan ang anti-terror bill at upang maging giya nila ito kung ano ang susunod nilang aksyon.