Makakatanggap ng katumbas ng isang buwang sahod o hanggang P20,000 cash benefits ang mga miyembro ng Social Security System (SSS) na nawalan ng trabaho bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito ang inanunsyo ng SSS sa gitna ng pagtaas ng unemployment rate sa nakalipas na buwan.
Ayon kay SSS Public Affairs and Special Events Division head Fernando Nicolas, kailangan lamang magpasa ng certification of involuntary separation, na makukuha mula sa Department of Labor and Employment (DOLE), para makapag avail ng naturang cash assistance program.
Kailangan rin i-submit ang savings account kung saan maaaring i-deposito ang cash aid na makukuha matapos ang limang araw na proseso.
Ani Nicolas, ang ibibigay na cash aid ay hahatiin sa dalawang bigayan sa loob ng dalawang buwan.
Qualified din aniya sa nasabing cash assistance program ang mga nakatanggap ng ayuda mula sa iba pang programa ng gobyerno.
Dagdag pa nito, maaari ring mag apply ang mga nawalan ng trabaho kahit hindi sa kadahilan ng COVID-19 pandemic.
Ang hindi lang aniya pasok sa qualification ay ang mga ‘self-employed’ na miyembro ng SSS.