Tiniyak ng Palasyo na tutulungan ang lahat ng Pilipino na hindi makauwi sa kani-kanilang probinsya.
Ito’y matapos na masawi ang 33-anyos na si Michelle Silvertino sa isang footbridge sa Pasay City.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, tutukan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pag-asiste sa mga na-stranded na Pinoy sa bansa upang hindi na maulit pa ang naturang insidente.
Batay kasi sa imbestigasyon, ilang araw nang naghihintay ng bus si Silvertino pauwi sa kaniyang probinsya.
Kasabay nito, nanawagan din si Roque sa mga lokal na pamahalaan na tulungan ang sinumang mga stranded sa kanilang nasasakupan.
Samantala, nagpaabot din ng taos-pusong pakikiramay ang Palasyo sa mga naulila ni Silvertino.