Dumarami ang nananawagan na ipagpaliban muna ang paniningil ng buwis sa mga online sellers.
Isa rito si House Committee on Appropriations Chair Eric Go Yap.
Kahit pa kailangan na kailangan aniya ngayon ng pamahalaan ng dagdag na kita para mapondohan ang COVID-19 response ng pamahalaan.
Ayon kay Yap, karamihan ngayon sa mga nagbebenta online ay sinusubukan na magkaroon ng kita para pantawid sa pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya matapos maapektuhan ang hanapbuhay dahil sa virus.
Ani Yap, kung sariling gamit naman ang ibinebenta online o kaya’y nagkomisyon lang tulad ng mga factory made face masks, mga produkto na gawa lang sa bahay tulad ng pagkain o iba pang maliliit na gamit at hindi hihigit sa P30,000 piso ang kita kada buwan ay hindi na ito dapat buwisan.
Para naman kay Quezon City Rep. Onxy Crisologo, dapat ay suportahan ng pamahalaan ang mga maliliit na online seller dahil sa pinili ng mga ito na maghanap-buhay pa rin ng marangal sa gitna ng pandemya.
Giit ni Crisologo, mahalaga ang bawat piso sa maraming pamilyang Pilipino ngayong panahon na ito kaya naman sa halip na pasakit aniya ay suporta sana ang maibigay para sa mamamayan.