Mahigit 13,000 katao pa ang stranded sa Luzon dahil sa paiba-ibang restrictions dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Presidential Management Staff Chief Assistant Secretary at Hatid Tulong Program Head Joseph Encabo, inaayos pa nila ang transportasyon ng mga nasabing locally stranded individuals (LSIs) pabalik sa kani-kanilang mga lalawigan sa Visayas at Mindanao.
Ipinabatid ni Encabo na nakapagbigay na sila ng assistance sa 53,000 katao na kinabibilangan ng mga turista, estudyante, local workers at Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ang mga na-stranded na indibidwal na nagnegatibo sa COVID-19 lamang matapos sumalang sa rapid antibody tests ang papayagang makapagbiyahe pauwi sa kanilang mga probinsya.