Sasailalim sa swab testing ang nasa 129 na person’s deprived of liberty (PDL) sa Caloocan City.
Ito ay matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang dalawang miyembro ng Piston 6, ang anim na tsuper ng jeep na inaresto dahil sa umano’y paglabag sa physical distancing guidelines nang magprotesta sa Monumento noong Hunyo 2.
Ayon kay Caloocan City Police Chief Col. Dario Menor, maayos ang kalagayang pangkalusugan ng mga nabanggit na preso at walang nagpapakita ng anumang sintomas.
Sinabi ni Menor, pag-uusapan pa nila ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan kung saan dadalhin ang mga PDL’s na magpopositibo sa COVID-19 test dahil hindi pa tapos ang konstruksyon ng hiwalay na custodial facility ng police station.
Dagdag ni Menor, kasalukuyan ding suspendido ang “dalaw” ng mga preso bilang bahagi ng ipinatutupad nilanng health and safety measures.
Maliban sa mga PDL’s apat ding mga pulis sa Caloocan City ang isasailalim sa COVID-19 test.