Inatasan ng Department of National Defense (DND) ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na magbigay ng seguridad at umalalay sa pamamahagi ng 2nd tranche ng Social Amelioration Program (SAP).
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Navy Captain Jonathan Zata, partikular sa mga tututukan ng AFP ang mga conflict affected areas at geographically isolated and disadvantaged areas sa bansa.
Sa mga nabanggit na lugar kasi aniya mataas ang bilang ng mga lawless elements na siyang banta sa ayudang dapat ay diretsong matatanggap ng mga residenteng mahigpit na naapektuhan ng lockdown.
Salig sa Joint Memorandum Circular No. 20 na nilagdaan noong June 9, 2020, ipapamahagi ang 2nd tranche ng SAP sa National Capital Region, Region 3 maliban sa Aurora, Region 4-A, lalawigan ng Benguet, Pangasinan, Iloilo, Cebu, Albay, Bacolod, Davao City, at Zamboanga City.
Sa panig naman ng pambansang pulisya, sinabi ni PNP spokesman P/BGen. Bernard Banac na nakahanda na rin silang tumulong sa pamamahagi ng SAP matapos ang isinagawang orientation sa mga police units na nakatoka rito.