Pauwi na sa kani-kanilang probinsiya ang unang batch ng nasa 150 locally stranded individual (LSI) sa ilalim ng Hatid Probinsiya Program ng pamahalaan.
Ito ay sa tulong ng Philippine National Railways (PNR) kung saan nakaalis na sakay ng tren ang mga nabanggit na LSI ngayong umaga ng Sabado, Hunyo 20.
Ayon kay Atty. Criselda Ecalnea ng PNR, sumailalim muna sa COVID-19 rapid testing ang naturang mga LSI bago sumakay ng kanilang tren.
Aniya, binigyan ng medical clearance ng Bureau of Quarantine ang nagnegatibo sa test habang pinagkalooban din ang mga ito ng P2,000 cash assistance ng DSWD.
Samantala sasailalim naman sa 14 na araw na quarantine ang mga umalis na LSI pagdating sa kanilang mga probinsiya.
Sinabi ni Ecalnea, nakatakda namang umalis sakay din ng PNR ang ikalawang batch ng 150 LSI sa Hunyo 25.