Muling iginiit ng ilang senador ang pagbibitiw sa puwesto ni Health Secretary Francisco Duque III.
Kasunod na rin ito ng pagpapalabas na ng subpoena ng Office of the Ombudsman para sa Department of Health (DOH) kaugnay ng ilang anomalya sa paggamit ng pondo sa pagtugon sa COVID-19 crisis.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, napapagod na siya sa kabibigay ng pananaw hinggil kay Secretary Duque dahil hindi naman aniya ito napakikinggan.
Sinabi ni Sotto, bagama’t nasa desisyon ni Duque kung magbibitiw sa puwesto o hindi, dapat pa rin aniyang isipin nito at iligtas mula sa kahihiyan ang pangulo.
Samantala, iginiit naman ni Senator Francis Pangilinan na patuloy pa ring pinoprotektahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Duque.
Dagdag ni Pangilinan, lumakas ang mga panawagang bumaba sa puwesto si Duque matapos lumabas ang nakakadismaya at mabagal na pagtugon ng pamahalaan at kagawaran laban sa COVID-19 crisis.
Gayunman, ang napilitan pa aniyang magbitiw sa puwesto ay ang taong nagpatotoo sa kawalan ng kakayahan at direksyon ng namumuno sa kagawaran para tugunan ang problema sa COVID-19.