Sinusuri na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga umano’y dobleng pangalan sa listahan ng mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) na umaabot sa 22,000.
Ayon kay DSWD Undersecretary Rene Paje, pinaigting pa nila ang kanilang isinasagawang validation at pagproseso sa mga nakitang dobleng pangalan.
Aniya, naipagbigay alam na nila sa mga kinauukulan at local government units ang mga nakitang duplicate o dobleng pangalan para agad na magawan ng aksyon.
Sinabi ni Paje, maaaring bawiin ng mga LGUs ang mga naibigay na dobleng ayudang pinansiyal o itala ang mga ito para hindi na makatanggap sa ikalawang tranche.
Sakali naman aniyang bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nadobleng pangalan, madali naman aniyang mababawi ang dobleng ayuda sa susunod na buwan ng pagtanggap ng kanilang benepisyo.