Hinihintay na lang ng Philippine National Police (PNP) ang tugon ng Department of Health (DOH) hinggil sa kung saan mainam itayo ang kanilang COVID-19 testing laboratory sa bahagi ng Visayas.
Ito’y kasunod na rin ng pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Central Visayas partikular na sa Cebu City kung saan damay din dito maging ang mga pulis na nagsisilbing frontliners.
Ayon kay PNP chief P/Gen. Archie Gamboa, mahalagang maprotektahan ang kalusugan ng mga pulis upang maipagpatuloy nito ang kanilang mandato na ilayo sa kapamahakan ang publiko.
Batay sa pinakahuling dato ng PNP, umakyat na sa 483 ang bilang ng mga COVID-19 positive cases sa hanay ng pulisya.
Mula sa nasabing bilang, 225 kaso rito ang nagmula sa Metro Manila habang 112 rito ang nagmula naman sa Central Visayas.
Dagdag pa ni Gamboa, sakaling maaprubahan na ng DOH ang lugar para sa kanilang covid COVID-19 molecular testing laboratory sa Visayas, agad nila itong sisimulan upang matapos agad at magamit sa lalong madaling panahon.