Pinaiimbestigahan ni Senadora Imee Marcos sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga natanggap niyang reklamo sa umano’y pananamantala sa mga manggagawa sa call centers.
Ito ay sa ilalim ng ipinatupad na flexible na oras ng trabaho sa mga business process outsourcing (BPO) companies bunsod ng nararanasang pandemiya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Marcos, kabilang sa mga natanggap na reklamo ng kanyang tanggapan ang hindi pagbibigay ng sahod sa nakalipas na dalawa hanggang tatlong buwan sa mga call center employees.
Gayundin ang hindi pagkakaloob ng separation benefits sa mga inalis sa trabaho, hindi nabayarang bill sa kuryente at Wi-Fi connection ng mga panggabing empleyado na naka-work from home.
Mas mahabang oras ng trabaho sa mga naka-work from home pero walang karagdagang bayad at sapilitang maternity leave nang walang kasiguraduhan kung makababalik sa trabaho.
Sinabi ni Marcos, hindi lamang sa maliliit na call centers nagmula ang mga reklamo kundi maging sa mga malalaking kumpanya na kumikita ng bilyon-bilyon kada taon.
Iginiit pa ni Marcos, dapat na mahigpit na tutukan ng DOLE ang pagsunod ng mga kumpanya sa labor laws lalu’t posibleng talamak ang pag-abuso sa trabaho sa gitna ng pandemic hindi lamang sa bpo industry.—ulat ni Cely Ortega-Bueno