Suspendido muna ang nakaugalian nang basaan sa San Juan sa pagdiriwang ng kanilang kapistahan bukas, June 24.
Sinabi ni San Juan Mayor Francis Zamora na dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic magiging taimtim ang pagdiriwang ng fiesta nila na may temang basbasan sa makabagong San Juan.
Matapos ang pagbabasbas sa float ng imahe ni San Juan Bautista sa city hall ay ililibot ang imahe sa lungsod.
Mayroon na ring mga pari na kasama sa parada na magbabasbas sa mga residente na pinapayuhang manatili na lamang sa harap o bakuran ng kani kanilang mga bahay para mabasbasan
Mahigpit din ang bilin ng local government hinggil sa pagsunod sa social distancing protocols at magsuot ng face mask.
Isang misa pa rin ang idaraos sa St. John the Baptist Church na naka livestream para mapanood ng mga residente.