Kinuwestyon ni Vice President Leni Robredo ang deployment ng mga tangke ng militar sa Cebu City matapos itong ibalik sa enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa paglobo ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases.
Agad namang nilinaw ni Robredo na naniniwala sya sa pagiging epektibong managers ng mga dating militar tulad nina Defense Secretary Delfin Lorenza at DENR Secretary Roy Cimatu na naatasang pangasiwaan ang pagpapatupad ng quarantine protocols sa Cebu City.
Gayunman, sinabi ni Robredo na naniniwala rin sya na hindi madadaan sa takutan o pagtatanim ng takot sa mamamayan ang pagresolba sa COVID-19 dahil isa itong krisis na pang kalusugan.
Ayon kay Robredo, mayroon syang tiwala sa kakayahan ng mamamayan na maunawaan ang kanilang responsibilidad sa laban kontra COVID-19 at makuha ang kanilang kooperasyon kung tama ang pamamaraan na gagawin ng pamahalaan.