Pinaalalahanan ng Department of Finance (DOF) ang mga empleyadong benepisyaryo ng Small Business Wage Subsidy (SBWS) program na hindi pa nakukuha ang kanilang pinansiyal na ayuda.
Ayon kay Finance Assistant Secretary Antonio Lambino II, pinalawig hanggang Hunyo 28, linggo ang pagkuha ng SBWS payout sa mga branch ng MLhuillier.
Ito ay mula sa naunang deadline o palugit noong Hunyo 10.
Sinabi ni Lambino, forfeited o mawawalan na ng pagkakataon ang mga benepisyaryong empleyado na makuha pa ang kanilang pinansiyal na ayuda sa ilalim ng SBWS, matapos ang Hunyo 28.
Ibabalik na aniya ang mga hindi maki-claim na ayuda sa pondo ng pamahalaan para magamit pa sa ibang programa para sa paglaban sa COVID-19.
Sa pinakahulung tala ng DOF, mahigit 41,000 pang mga empleyado sa ilalim ng unang tranche ng SBWS at halos 57,000 empleyado pa sa ikalawang tranche ang hindi pa nakukuha ang kanilang cash subsidies sa MLhuillier.