Hindi dapat prayoridad sa ngayon ang pagpapalit sa pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa gitna ng kinahaharap na pandaigdigang krisis dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang iginiit ni Senador Francis Pangilinan kasunod ng inihaing panukalang batas nina presidential son Deputy Speaker Paolo Duterte at dalawa pang mambabatas na humihiling na palitan ang pangalan ng NAIA bilang paliparang pandaigdigan ng Pilipinas.
Ayon kay Pangilinan, ang pagpapalit sa pangalan ng NAIA ang pinakahuling dapat alalahanin ng mga mambabatas lalo na’t nahaharap ang bansa sa pandemiya kung saan milyon-milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho at nakararanas ng gutom.
Batay sa inihaing panukala ng nakababatang Duterte, binigyang diin nito na hindi dapat nagtataglay ng politikal na kulay o agenda ang pangalan ng pangunahing paliparan ng Pilipinas.
Sa halip, aniya ay dapat sumalamin ito sa legacy o pamana ng mga Filipino, ang aniya’y matuturing na bayani sa araw-araw.