Sinang-ayunan ng Department of National Defense (DND) ang pahayag ni U.S. Pacific Air Force Commander General Charles Brown na iligal ang plano ng China na magtatag ng Air Defense Identification Zone (ADIZ) sa West Philippine Sea.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang plano aniyang ito ng China ay labag sa umiiral na exclusive economic zone (EEZ) ng mga bansang nakapalibot sa nasabing karagatan salig naman sa itinatakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Giit pa ng kalihim, gagamitin pa rin ng mga bansa sa rehiyon ng timog silangang Asya ang bahagi ng West Philippine Sea na balak isailalim sa ADIZ ng China.
Nuong unang panahon pa ani Lorenzana ay bukas na sa navigation at pangingisda ang nasabing karagatan na nais sakupin ng China kaya’t mahihirapan aniya ito sa nais nilang ipatupad.