Kinondena ng grupong Bayan ang pag-aresto sa 20 miyembro ng LGBTQ community na lumahok sa kilos protesta kaugnay ng Pride month sa Maynila kahapon, Hunyo 26.
Ayon kay Bayan secretary general Renato Reyes, mali at iligal ang ginawang pag-aresto sa tinaguriang ‘Pride 20’.
Iginiit ni Reyes, walang batayan ang ginawang pag-aresto sa 20 raliyista dahil hindi naman aniya suspendido ang constitutional rights sa panahon ng pandemiya.
Dagdag ni Reyes, hindi maaaring gamiting batayan ang quarantine guidelines sa pag-aresto dahil hindi ito batas.
Malinaw aniyang nagkaroon ng pag-abuso sa kapangayarihan ang pulisya sa pagdakip at pagkulong sa 20 miyembro ng LGBTQ community.