Inaprubahan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagbiyahe ng mahigit 1,000 mga UV Express simula sa Lunes, Hunyo 29.
Sa ipinalabas na pahayag ni LTFRB chairman Martin Delgra, sinabi nito na inaprubahan niya na ang guidelines para sa pagpasada ng 980 UV Express sa 47 ruta sa Metro Manila at karatig na probinsiya.
Ayon kay Delgra, alinsunod ito sa polisiya ng Department of Transporation (DOTr) para sa dahan-dahan at calibrated na pagbabalik ng mga pampublikong transportasyon sa Metro Manila sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Kasabay nito, mariin namang pinaalalahanan ni Delgra ang mga drivers at operators ng mga UV express na mahigpit na sundin ang inilatag na guidelines ng LTFRB sa ilalim ng Memorandum Circular 2020-025.
Mananatili rin aniya ang umiiral nang fare rate sa mga UV Express na P2.00 kada kilometro at walang gagawing adjustment sa pasahe.
Sinabi naman ni Delgra na hindi pa rin nila isinasantabi ang posibilidad na pagdedeploy ng mga karagdagang moderno at tradisyunal na jeepney sa mga susunod na araw.