Kinumpirma ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PACOR) ang unti-unting pag-alis ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) companies sa bansa.
Ayon kay PAGCOR Chairperson Andrea Domingo, nakaalis na sa bansa ang Suncity –isang unit ng Suncity group na isang gambling giant sa Macau.
Maliban sa Suncity, ipinakakansela na rin di umano ng Don Tencess Asian Solutions ang kanilang lisensya sa PAGCOR.
Sinabi ni Domingo na maliban sa kita ng gobyerno, apektado rin ang mahigit sa 30,000 manggagawang Pilipino sakaling matuloy ang exodus ng POGO companies.
Sinasabing hindi na kaya ng mga POGO companies ang inaabot nilang kritisismo sa di umano’y hindi pagbabayad ng buwis.
Nitong nakaraang linggo, ipinasisilip na ng Department of Finance (DOF) ang alegasyon na dalawang POGO companies lang ang nagbabayad ng kanilang buwis.
Nasa P20-bilyon umano ang tinataya nilang makolekta sa POGO subalit nitong 2019 ay umabot lang sa P6-bilyon ang buwis mula sa POGO companies.