Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang pakikipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon sa nangyaring engkuwentro sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng apat na sundalo.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac, kanilang ikinokonsidera ang insidente bilang isang kaso ng misencounter kung saan hindi agad na natukoy ng mga pulis na mga sundalo ang kanilang naging kalaban.
Sinabi ni Banac, labis nilang ikinalulungkot at seryosong tinitignan ang insidente para maiwasang maulit pa ang katulad na pangyayari.
Dagdag ni Banac, maituturing na isang malaking aral para PNP ito lalu na’t maaari namang maiwasan ang mga katulad na insidente.
Una na aniyang inilagay sa restricted status ang lahat ng mga pulis na sangkot sa insidente partikular na ang mga miyembro ng Jolo Municipal Police Station bilang paghahanda na rin sa imbestigasyon.
Nagpaabot na ng taos pusong pakikiramay ang liderato ng PNP sa pamilya at kasamahan ng mga nasawing sundalo habang napagkasunduan na rin ng dalawang law enforcement agency na ipaubaya sa NBI ang imbestigasyon sa insidente.