Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na tipunin at bigyan ng matutuluyan ang lahat ng mga locally stranded individuals (LSIs), lalung-lalo na ang mga nagpapalipas ng gabi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ay kasunod na rin ng mga ulat na libu-libong mga LSIs ang nananatili malapit sa NAIA sa pag-asang makakuha ang mga ito ng biyahe pauwi sa kanilang mga probinsya sa gitna ng limitadong flights dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Dahil dito, inatasan ni Pangulong Duterte si Interior Secretary Eduardo Año na tipunin ang mga naturang LSIs at bigyan ng matutulugan at makakain.
Ang gobyerno aniya ang magbabayad sa lahat ng gastusin para sa mga ito.
I would like to remind si General Año to gather all na naghihintay ng walang matulugan, matirhan, at nandiyan sa labas ng NAIA, you will be transported to a place. I will pay, just bill me, pati pagkain,” ani Duterte.
Pinaalalahanan naman ng pangulo ang kalihim na maghanap lamang ng makakain na hindi aaray ang bulsa ng gobyerno at huwag kumain ng mahal dahil nasa gitna aniya ng nararanasang krisis ang bansa.
Maghanap lang ng mga karinderya baka Budget magreklamo. ‘Wag kayong magkain ng mahal. We are in a crisis, let us keep our senses close to the ground,” ani Duterte.
Kasunod nito, hiniling din ni Pangulong Duterte sa Department of Transportation (DOTr) na alisin na ang mga kalapit-restaurants sa NAIA at palitan ang mga ito ng mga mauupuan para sa mga LSIs.
“Art (DOTr Secretary Arthur Tugade), lagyan mo ng silya lahat ‘yan. ‘Yung restaurant diyan, kung ma-terminate mo yung contracts, terminate them. Because I need them to sit the passengers waiting,” ani Duterte.
Sa ngayon ay pinaaasistihan muna ng pangulo ang mga na-istranded na mga indibiduwal sa mga pulis na nakatalaga sa NAIA.