Naka lockdown ang New Public Market sa Antipolo City.
Kasunod na rin ito nang pagiging positibo ng 18 tenants at vendors ng naturang palengke.
Ipinabatid ng Antipolo City Government na June 25 nang isalang sa rapid testing ang 800 tenants at empleyado ng New Public Market kung saan 28 sa mga ito ang nagpositibo sa IGM anti body rapid test.
Ang 28 IGM positive at 20 iba pang nakitaan ng sintomas ay kaagad isinailalim sa RT-PCR test kung saan sila kinunan ng swab samples at 18 sa kanila ang nag positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa naturang bilang 15 ang residente ng Antipolo at tatlo ay mula sa ibang bayan at pawang isinailalim na sa mandatory quarantine.
Kaagad namang nagpatupad ng perimeter control ang PNP at barangay para tiyaking walang makakapasok sa palengke sa loob ng temporary closure.
Maliban sa New Public Market una nang nagsagawa ng expanded at targeted testing sa city mall of Antipolo noong June 23 kung saan mahigit 700 vendors ang isinalang sa rapid test at 19 ang nagpositibo.
Gayunman nag negatibo ang mga nasabing vendors nang isailalim sa swab test para sa confirmatory test kayat nananatiling COVID-19 free ang CMA.
Pumapalo na sa halos 15,000 COVID-19 tests sa pamamagitan ng rapid at RT-PCR ang ginawa na ng local city health office sa buong lungsod.