Ikinatuwa rin ng mga researchers sa University of the Philippines (UP) na hindi nagkatotoo ang kanilang projection na aabot ng 40,000 ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa bansa nitong June 30.
Ayon kay Dr. Guido David, isa sa mga UP researchers, hindi naman isang kumpetisyon ang pagsasagawa nila ng projection kundi upang makatulong sa pagtaya kung tama ang direksyon ng gobyerno sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni David na ikinatutuwa rin nila na hindi umabot sa 40,000 ang COVID-19 cases sa pagtatapos ng hunyo.
Kasi may mga nagsabi sa social media na ‘dapat babaan niyo yung projection niyo para hindi kayo matalo ni Harry Roque’, pero hindi naman sa ganun, hindi naman kasi competition. I mean, laban ito sa COVID tayong lahat magkakasama dito, yung media, yung mga workers lahat tayo tulong-tulong dito, lahat tayo gusto pababain na ito,” ani David.
Sa kabila nito, nanindigan ang UP researchers sa inilabas nilang bagong projection na posibleng umabot sa 60 hanggang 70,000 ang kaso ng COVID-19 sa katapusan ng Hulyo.
Ayon kay David, inirerekomenda nila sa pamahalaan na i-pursige ang pagpapataas ng random testing lalo na sa mga asymptomatic dahil posibleng sila ang nagpapakalat ng virus.
Yung isang napansin namin maraming asyptomatic cases na hindi natin nade-detect kasi 3% lang ang nasa data ng DOH na asymptomatic pero sa ibang bansa umaabot yan ng 40% so, ibig sabihin posibleng may mga 8,000 na kaso, 8,000 pataas na hindi natin nade-detect, na wala pa sa data based posibleng andyan sila bumabyahe, nakakalat nila yung virus,” ani David. — panayam sa Balitang Todong Lakas.