Patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga nagpopositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Cebu City.
Batay sa tala ng Cebu City Health Department (CHD), nadagdagan pa ng 150 ang COVID-19 cases sa lugar, dahilan para lumobo pa sa kabuuang 5,740 ang bilang ng tinamaan ng virus sa Cebu City.
Nadagdagan din ng 13 ang bilang ng mga pumanaw dahil sa sakit, kaya naman sumampa na sa 193 ang death toll nito.
Sa kabila nito, nasa 88 naman ang mga bagong gumaling mula sa virus kaya’t pumalo na sa 2,985 ang recoveries.
Sa ngayon, nasa 2,562 active cases ang kasalukuyang ginagamot at naka-quarantine sa lungsod.
Nananatili namang may pinakamataas na bilang ng COVID-19 cases ang Cebu City sa buong bansa, na sinundan ng Quezon City na mayroon namang 3,515 cases.
Magugunitang sinabi ng Department of Health (DOH) na malapit na sa critical level ang mga ospital sa Cebu City dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19.