Iniutos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na lumahok na ang lahat ng mga ahensyang nasa ilalim ng sektor ng transportasyon sa multi-agency drive para matulungan ang mga locally stranded individuals (LSIs).
Alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte, ininspeksyon ni Tugade ang Terminal 3 ng Ninoy Aquino Internatonal Airport (NAIA) para alamin ang kalagayan ng mga stranded na pasaherong nagbabakasakaling makauwi sa kani-kanilang mga probinsya.
Dahil dito, nabatid ni Tugade na kulang ang mga upuang nasa paliparan kaya’t dagdag pasakit ito sa mga LSIs na piniling magpalipas ng gabi sa mga terminal ng paliparan sa pag-asang makauuwi na ang mga ito.
Dahil dito, agad na pinag-utos ni Tugade ang pagbili ng mga karagdagang upuan, upang mapataas din ang seating capacity ng paliparan.
Samantala, iginiit naman ni Tugade na patuloy ang paggawa nila ng paraan, upang matiyak na agad na matutulungang makauwi ang mga na-stranded na mga pasahero.