Halos 300 negosyo sa Region 7 o Central Visayas ang nag-apply ng business closure sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Apektado sa inaasahang pagsasara ng mga nasabing negosyo ayon kay DOLE Region 7 Director Salome Siaton ang mahigit 6,000 manggagawa.
Ipinabatid ni Siaton na mahigit 1,600 namang negosyo ang nag-apply ng flexible working arrangements at temporary closure kung saan apektado naman ang mahigit 61,000 empleyado.
Nilinaw naman ni Siaton na wala silang budget para sa mga mawawalan ng trabaho sa Region 7 dahil naghihintay lang din sila ng funding mula sa central office.
Kasabay nito binigyang diin ng ilang negosyante ang napipintong pagsadsad ng ekonomiya ng Cebu province kaya’t nananawagan sila sa IATF na balansehin ang sitwasyon nang pinaiiral na community quarantine at tutukan ang aspeto ng ekonomiya.