Itinigil na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang search and rescue operations sa 14 na mangingisdang Pilipino na nawawala matapos mabangga ng Hong Kong flagged cargo vessel ang kanilang sinasakyang bangkang pangisda.
Ayon kay PCG commandant Vice Admiral George Ursabia Jr., kanila nang pinalitan ang kanilang operasyon sa search and retrieval.
Paliwanag ni Ursabia, maliit na lamang aniya ang tsansa na may buhay pa sa 14 na mga nawawalang mangingisda matapos ang tatlong araw na paghahanap at hindi pa rin natatagpuan ang mga ito.
Sa kabila nito, umaasa pa rin aniya silang mayroong nakaligtas sa sinapit na trahediya ng F/V Liberty 5.
Dagdag ni Ursabia, nakatakda namang talakayin bukas ng PCG kung ipagpapatuloy pa rin o ititigil na ang retrieval operation sa mga nawawalang mangingisdang Pinoy.