Nakapagtala pa ng panibagong 50 kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang Department of Foreign Affairs (DFA) mula sa mga Pilipinong nasa ibayong dagat.
Batay sa datos ng DFA, dahil dito ay sumampa na sa 8,679 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa mga Pinoy abroad.
Nadagdagan din ng 14 ang bilang ng mga nasawi dahil sa virus, kaya’t pumalo na sa kabuuang 577 ang mga pumanaw dahil rito.
Sa kabila nito, nadagdagan din ng isang Pinoy mula sa ibang bansa ang mga gumaling mula sa nakamamatay na virus, dahilan para sumampa na sa 5,201 ang mga naka-recover.
05 July 2020
Weekend reports from PH Embassies and Consulates confirm 50 new COVID-19 cases among Filipinos in Europe and the Middle East, 1 new recovery, and 14 new fatalities in Asia and the Pacific and the Middle East. (1/3) pic.twitter.com/jjy3faZTjY
— DFA Philippines (@DFAPHL) July 5, 2020
Sa ngayon, pinakamarami pa ring naitatalang mga Pinoy na nagpositibo sa virus mula sa Middle East/Africa na mayroong 6,304 cases, kung saan mayroong 311 na nasawi at 3,810 na naka-recover.
Sumunod dito ang Europe na mayroong 1,015 COVID-19 cases na mga Pinoy; 449 na mga naka-recover at 94 na pumanaw.
Nasa 697 na mga Pinoy na nagpositibo sa virus naman ang naitala sa Americas; 168 ang mga nasawi, habang 410 ang mga gumaling mula sa sakit.
Samantala, mayroon namang 663 na Pinoy na nagpositibo sa virus mula sa Asia Pacific Region; apat na nasawi at 532 na naka-recover.