Tiniyak ng Western Mindanao Command (WesMinCom) na walang mangyayaring paghihiganti sa panig ng mga sundalo.
Ito’y sa harap ng nangyaring pamamaril ng mga pulis sa apat na sundalo sa Jolo, Sulu nuong isang linggo.
Ayon kay WesMinCom Chief Lt/Gen. Cirilito Sobejana, nananatiling magkakampi ang mga pulis at sundalo sa paglaban sa iisang layunin.
Tiyak aniyang pagtatawanan ng mga terrorista ang mga pulis at sundalo kung makikita nito na sila-sila ang nagpapatayan dahil lang sa hindi pagkakaunawaan.
Gayunman, may agam-agam pa rin si Sobejana na mauwi sa Rido o away pamilya ang pagkakapatay ng mga pulis sa apat na sundalo lalo’t Muslim ang isa sa mga biktima na si Cpl. Abdal Asula.
Aniya, sundalo kasi ang ilan sa mga kapatid nito kaya’t nangangamba siyang gumawa ng hakbang ang mga ito laban sa pamilya ng mga pulis na nakapatay sa kanilang kapatid.
Dahil batid na nilang kultura na ito ng mga taga Bangsamoro Autonomous Region, tiniyak ni Sobejana na naka-alerto na ang kanilang mga tauhan.