Nakapagtala pa ng mga panibagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Central Visayas.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH) Region 7, 237 ang naitalang bagong COVID-19 cases sa Central Visayas dahilan para sumampa na sa 10,506 ang kabuuang bilang nito.
Nadagdagan din ng 40 ang mga nasawi dahil sa virus, kaya naman pumalo na sa 408 ang lahat ng mga pumanaw dahil dito.
Sa kabila nito, dumami rin naman ang mga gumaling mula sa sakit; 45 ang bagong naitalang naka-recover sa COVID-19 kaya’t sa ngayon ay nasa 3,570 na ang kabuuang bilang ng mga recoveries.
Ayon sa DOH, kasalukuyang mayroong 6,527 active cases sa lugar na patuloy na ginagamot at naka-quarantine.
Wala namang bagong kaso ng virus na naitala sa Negros Oriental, Bohol at Siquijor.
Samantala, mula sa 237 new cases sa Central Visayas, halos kalahati nito o 113 ay nagmula sa Cebu City, kung saan may pinakamaraming naitalang COVID-19 cases sa buong bansa.
Dahil dito, sumampa na sa 6,870 ang total COVID-19 cases sa Cebu City; 2,869 na mga naka-recover, at 250 naman ang mga nasawi.