Maagang nag-adjust ang mga regular commuter ng MRT 3 matapos ang tigil operasyon nito kasunod ng pagiging positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ng halos 100 empleyado nito.
Bago pa man sumikat ang araw maraming commuter ang nagkalat na sa mga pangunahing lugar sa kahabaan ng EDSA para makasakay sa mga bus augmentation units o mga bus na bahagi ng EDSA busway system.
Sa bahagi ng EDSA sa Bagong Barrio, Caloocan City alas kuwatro pa lamang ng madaling araw ay nag-aabang na ang maraming pasahero ng masasakyang bus na bahagi ng EDSA busway na hanggang Paranaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na ang biyahe.
Mahaba na rin ang pila sa labas ng North Avenue at Quezon Avenue stations madaling araw pa lamang.
Samantala bukod sa nakagawiang paghinto sa Quezon, Ayala at Taft Avenues titigil na rin ang mga nasabing bus sa Guadalupe at Ortigas stations para magbaba lamang ng pasahero.
Nagsisilbi namang guide sa mga pasahero ang mga tauhan ng MRT 3 na nakasuot ng personal protective equipment (PPE) at nagche-check ng temperatura ng mga commuter.
Samantala pahirapan namang makasakay ang mga commuter sa EDSA Cubao dahil hindi anila alam na walang byahe ang MRT at tanging ang maaari nilang sakyan ay mga taxi at TNVS.
Nag-unahan naman ang mga pasahero sa pagsakay sa police truck na napadaan sa lugar.