Handa na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ilalatag nilang seguridad para sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 27.
Ito ang inihayag ni NCRPO Director P/MGen. Debold Sinas sa gitna na rin ng kinahaharap na krisis pangkalusugan ng bansa dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Sinas, bagama’t may template na sila sa ilalatag na seguridad sa SONA katulad sa mga nakalipas na taon, may mga madaragdag aniya rito lalo’t pumapasok na ang bansa sa new normal.
Gayunman, inamin ni Sinas na naghihintay pa rin sila ng abiso mula sa liderato ng PNP gayundin sa Palasyo ng Malakaniyang hinggil sa kung saan isasagawa ang SONA ng pangulo.
Batay sa tradisyon, inilalahad ng pangulo ang kaniyang SONA sa harap ng mga mambabatas mula sa Senado at Kamara sa gusali ng batasang pambansa sa Quezon City.
Subalit una nang sinabi ng Malakaniyang na dahil sa COVID-19 pandemic, posibleng gawin na lamang virtual ang magiging SONA ng pangulo via video streaming.