Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko kaugnay ng kahalagahan ng palagiang pagsusuot ng face masks lalu na sa mga matatao at enclosed o kulob na lugar.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, marami pa ring mga Filipino ang nakalilimot sa umiiral na health protocols sa bansa sa gitna ng sitwasyon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sinabi ni Vergeire, hindi enhanced community quarantine (ECQ) ang kailangan para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 kundi ang mahigpit na pagpapatupad at pagsunod sa mga itinakdang health protocols.
Binigyang diin ni Vergeire, hindi dapat minamaliit ang pagsusuot ng PPE o personal protective equipment tulad ng face mask na napatunayan nang epektibo para mapababa nang hanggang 85 porsyento ang pagkahawa sa COVID-19.
Habang 80 porysentong mababa naman ang tsansa ng transmission kung susunod sa physical distancing nang hanggang isang metro.
Una nang napuna ni Vergeire ang maluwag na pagpapatupad ng itinakdang health protocols sa mga kumunida dahil sa mga nakikitang naglalakad sa lansangan na walang suot na face masks o nasa baba ang face mask at walang physical distancing.