Nangalampag na rin sa pamahalaan ang Kilusang Mayo Uno (KMU) para pabalikin sa kanilang byahe ang mga jeepney.
Sa isinagawang “Busina Para sa Balik Pasada” na isinagawa ng KMU at mga tsuper ng jeep, kanilang inilahad ang hiling na huwag nang gawing komplikado pa ang proseso ng pagpapabalik-pasada upang hindi na madagdagan pa ang hirap ng mga tsuper at ng kanilang mga pamilya.
Ayon kay Jerome Adonis, secretary general ng KMU, bagama’t hindi sila driver ay apektado rin sila ng hindi pagbabalik-pasada ng maraming jeep.
Ani Adonis, dahil limitado lamang ang mga bumabyaheng jeep ay mas lalong napapamahal ang pamasahe ng mga manggagawa papasok sa kanilang trabaho.
Aniya, wala namang problema sa kanila ang patakarang contactless payment, dangan lamang ang pagpapahirap ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga jeeepney driver para makabalik ng kalsada.