Pinaaalerto ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Archie Gamboa ang mga pulis na nakatalaga sa iba’t ibang quarantine controlled points sa buong bansa.
Ito’y kasunod na rin sa serye ng mga pambobomba maging ng mga pag-atake sa pulisya na tumatao sa mga inilatag na checkpoint tulad ng Maguindanao, Miasamis Occidental at Taytay sa Palawan kamakailan.
Sinabi ni Gamboa na dapat mas higpitan pa ng mga pulis ang kanilang ipinatutupad na seguridad upang hindi na sila malusutang muli ng mga kalaban.
Giit ng PNP chief, hindi sila patitinag sa mga armadong grupo na ang nais lang ay guluhin ang kaayusan ng bansa sa pamamagitan ng pag atake sa mga tagapagpatupad ng batas.
Kahapon, isang hinihinalang improvised explosive device o ied ang sumabog sa Brgy. Meta, Datu Unsay, lalawigan ng maguindanao subalit blangko pa rin ang mga awtoridad sa kung sino ang nasa likod at kung ano ang motibo ng mga ito.