Sinimulan ngayon ng Commission on Elections (COMELEC) ang review sa source code ng mga PCOS machines na gagamitin sa 2016 elections.
Ang source code, na isa sa mga security features ng PCOS machines ang nagbibigay ng instructions sa makina na gagamitin sa eleksyon.
Ang Automated Election System o AES na gagamitin sa eleksyon ay binubuo ng vote counting machine, ang election management system at canvassing at consolidation system at lahat ito ay mayroong source code.
Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, bukas sa publiko ang isasagawang review sa source code na isasagawa sa Dela Salle Taft Avenue at lalahukan ng 8 grupo na kinabibilangan ng malalaking partido pulitikal, Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at maging ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) na kilalang kritiko ng COMELEC.
“Lahat po ito ay meron pong source code that provide instructions, ang mangyayari po is that yung first set of reviews, well today po we have a lecture at 9:30 in the morning at De La Salle University and this is open to the public. Ang mangyayari po is that first set of reviews ay kami naman ay bukas at gusto namin na in case na may mali sa source code please let us know, we’re trying to make sure nga na ngayon we are more transparent in the way we do things. ” Pahayag ni Bautista.
Security features
Inamin ng COMELEC na hindi masyadong natutukan ang security features ng ginamit na mga makina noong 2010 at 2013 elections.
Ginawa ni COMELEC Chairman Andres Bautista ang pag-amin bilang reaksyon sa alegasyon na plantsado na ang resulta ng eleksyon sa 2016 dahil tinanggal ang mga security features ng mga makinang gagamitin sa eleksyon.
Ayon kay Bautista, noong 2010 elections, isinagawa ang pagreview sa source code ng mga makina isang buwan bago mag eleksyon at apat na araw lamang bago mag eleksyon noong 2013.
Tiniyak ni Bautista na sinisikap ng komisyon na matuto mula sa mga posibleng pagkakamali sa dalawang nakaraang automated elections.
Makakasiguro aniya ang taongbayan na ang mga security features ng automated election system na gagamitin sa 2016 elections ay mas pinagbuti upang matiyak ang kapani paniwalang resulta ng eleksyon.
“Tama naman po na sinasabing merong mga safeguard na nakasaad sa ating automated election law tulad ng source code, ultraviolet, digital signatures, etc. ang sabi ko nga sa totoo lang ay may mga pagkukulang ang COMELEC dati so ang aming general strategy this 2016 is gusto naming matuto sa mga leksyon ng 2010 at 2013 para makapag-improve o bumuti ang ating pagboto.” Dagdag ni Bautista.
Accredited groups to review
Binigyan ng accreditation ng Commission on Elections (COMELEC) ang walong grupo upang magsagawa ng review sa local source code ng Automated Election System na gagamitin sa 2016 elections.
Kabilang dito ay ang ilang partido gaya ng Liberal Party, United Nationalist Alliance, Nationalist People’s Coalition, Bagong Bayan Party, Lakas – CMD at isang local na partido sa Nueva Ecija, Ang Unang Sigaw.
Bukod sa mga political party, pinayagan din ng komisyon ang mga election watch dog tulad ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting at Center for People Empowerment in Governance.
Ang source code ay human readable instructions sa prosesong ginagawa ng Automated Election System.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit | Rianne Briones