Pinalawig pa ng Joint Task Force COVID-19 Shield ang deadline para sa mga gagamiting barrier ng mga motorcycle rider para sa kanilang asawa hanggang Hulyo 26.
Ito’y ayon kay Joint Task Force COVID-19 Shield commander P/LtG. Guillermo Eleazar matapos na aprubahan ito ni Inter-Agency Task Force (IATF) co-chairman at Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.
Dagdag pa ni Eleazar, bunga aniya ang ginawang pagpapalawig sa deadline ng mga motorcycle barrier sa naging konsultasyon sa iba’t ibang ahensya tulad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Highway Patrol Group (HPG) para bigyan ng sapat na panahon ang mga may motorsiklo na makapagpagawa ng nasabing barrier.
Magugunitang inaprubahan ng National Task Force Against COVID-19 ang dalawang disenyo ng motorcycle barrier mula sa pamahalaang panlalawigan ng Bohol at sa ride hailing app na Angkas chief na si George Royeca.
Gayunman, muling ipinaaalala ni Eleazar na tanging ang mga mag-asawa at common law partners lamang ang maaaring payagan para makapag-angkas sa motorsiklo.